3
Edukasyon sa Pagpapakatao
Kagamitan ng Mag-aaral
Tagalog
Kagawaran ng Edukasyon
Republika ng Pilipinas
i
Ang kagamitan sa pagtuturong ito ay magkatuwang na inihanda
at sinuri ng mga edukador mula sa mga publiko at pribadong paaralan,
kolehiyo, at / o unibersidad. Hinihikayat namin ang mga guro at ibang
nasa larangan ng edukasyon na mag-email ng kanilang puna at
mungkahi sa Kagawaran ng Edukasyon sa action@deped.gov.ph.
Mahalaga sa amin ang inyong mga puna at mungkahi.
Edukasyon sa Pagpapakatao – Ikatlong Baitang
Kagamitan ng Mag-aaral sa Tagalog
Unang Edisyon, 2014
ISBN: ___________
Paunawa hinggil sa karapatang-sipi. Isinasaad ng Seksiyon 176 ng Batas
Pambansa Bilang 8293: Hindi maaaring magkaroon ng karapatang-sipi sa ano mang akda ng
Pamahalaan ng Pilipinas. Gayon pa man, kailangan muna ang pahintulot ng pamahalaan o
tanggapan kung saan ginawa ang isang akda upang magamit sa pagkakakitaan ang
nasabing akda. Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay ang
patawan ng bayad na royalty bilang kondisyon.
Ang mga akda / materyales (mga kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng
produkto o brand names, tatak o trademarks, atbp.) na ginamit sa aklat na ito ay sa
nagtataglay ng karapatang-ari ng mga iyon. Pinagsikapang mahanap at mahingi ang
pahintulot ng mga may karapatang-ari upang magamit ang mga akdang ito. Hindi inaangkin
ni kinakatawan ng mga tagapaglathala (publisher) at may-akda ang karapatang-aring iyon.
Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon
Kalihim: Br. Armin Luistro FSC
Pangalawang Kalihim: Dr. Dina S. Ocampo
§
Inilimbag sa Pilipinas ng ____________
Department of Education-Instructional Materials Council Secretariat (DepEd-IMCS)
Office Address: 5th Floor, Mabini Bldg., DepEd Complex
Meralco Avenue, Pasig City
Philippines 1600
Telefax: (02) 634-1054 o 634-1072
E-mail Address: imcsetd@yahoo.com
ii
Mga Bumuo ng Kagamitan ng Mag-aaral
Consultant: Dr. Fe A. Hidalgo
Tagasuri at Editor: Dr. Erico M. Habijan, Ms. Irene C. De Robles,
Prof. Elanor O. Bayten, Dr. Corazon L. Santos
Manunulat: Maria Carla M. Caraan, Rolan B. Catapang,
Rodel A. Castillo, Portia R. Soriano, Rubie D. Sajise, Victoria V. Ambat,
Violeta R. Roson, Rosa Anna A. Canlas, Leah D. Bongat,
Marilou D. Pandiño, Dr. Erico M. Habijan, Irene de Robles
Tagakonteksto: Severa C. Salamat
Tagapag-ambag: Rosalinda T. Serrano, Erik U. Labre, Juel C. Calabio,
Randy G. Mendoza
Tagaguhit: Randy G. Mendoza, Eric S. De Guia
Tagapagtala: Gabriel Paolo C. Ramos, Enrique T. Ureta
Taga-anyo: Ferdinand S. Bergado
Pangalawang Tagapangasiwa: Joselita B. Gulapa
Punong Tagapangasiwa: Marilou D. Pandiño
Paunang Salita
Para sa katulad mong mag-aaral ang inihandang
Kagamitan ng Mag-aaral na ito na magagamit mo sa pag-aaral
ng Edukasyon sa Pagpapakatao sa Ikatlong Baitang. Layunin ng
kagamitang ito na mapatnubayan ka sa paglinang ng iyong
kakayahan gamit ang mga batayan at kaugnay na
pagpapahalaga na magpapaunlad sa iyong pagkatao.
Inaasahan na ang mga araling isinaayos at iniayon sa apat na
kuwarter ng iyong pag-aaral ay iyong kawiwilihan at tiyak na
pinili ng mga manunulat ang iba’t ibang gawain at pagsasanay
na maging orihinal mula sa karanasan sa tulong ng mga tula,
awit, sanaysay, kuwento, at sitwasyong susuriin ayon sa iyong
gulang , interes, at pangangailangan sa kasalukuyang panahon.
Hinati sa apat na yunit ang kabuuan ng Kagamitan ng
Mag-aaral na magiging kaibigan mo araw-araw.
Yunit 1- Tungkulin ko sa Aking Sarili at Pamilya
Yunit 2- Mahal ko Kapuwa Ko
Yunit 3- Para sa Kabutihan ng Lahat, Sumunod Tayo
Yunit 4- Paggawa nang Mabuti, Kinalulugdan ng Diyos
Katulad sa una at ikalawang baitang ginamit at nasundan
mo ang mga hakbang at proseso sa paggamit ng Kagamitan ng
Mag-aaral at paglinang ng pagpapahalaga. Nakahanda ang
iyong guro na gabayan ka sa mga prosesong gagamitin sa
pagsasagawa ng mungkahing gawain na maaring pang-
indibidwal o pangkatan. Ginamit upang maging makahulugan
ang sumusunod na hakbang o gawain sa pagkatuto: Alamin
Natin, Isagawa Natin, Isapuso Natin, Isabuhay Natin, at Subukin
Natin.
Inaasahang sa pagtatapos mo ng ikatlong baitang,
maipamamalas mo ang pag-unawa sa mga gawaing
nagpapakita ng pagpapahalaga tungo sa maayos na
pamumuhay na may mapananagutang pagkilos at
pagpapasya para sa sarili, kapuwa, bansa, at sa Diyos.
iii
Talaan ng Nilalaman
Yunit I Tungkulin Ko sa Aking Sarili at Pamilya
Aralin 1 Kaya Ko, Sasali Ako!
Aralin 2 Iniatang na Gawain, Kaya
Kong Gawin
Aralin 3 Hawak Ko: Tatag ng Loob
Aralin 4 Matatag Ako, Kaya Kong
Gawin!
Aralin 5 Malusog na Katawan,
Damdamin, at Kaisipan:
Pangalagaan
Aralin 6 Sama-sama… Kaligtasan,
Panghawakan!
Aralin 7 Panalo Ako! sa Isip, Salita, at
Gawa
Aralin 8 Pamilyang Nagkakaisa,
Tahanang Masaya
Aralin 9 Ako … Ang Simula!
Yunit II Mahal Ko, Kapuwa Ko
Aralin 1 Mga may Karamdaman:
Tulungan at Alagaan!
Aralin 2 Mga may Karamdaman:
Dalawin at Aliwin!
Aralin 3 Mga may Kapansanan:
iv
Mahalin at Igalang!
Aralin 4 Kakayahan Mo,
Pahahalagahan Ko!
Aralin 5 Maging Sino Ka Man, Dapat
Igalang!
Aralin 6 Kapuwa Ko, Nauunawaan Ko!
Aralin 7 Magkaiba Man Tayo
Aralin 8 Ikaw at Ako ay Masaya!
Tayo’y Nagkakaisa!
Aralin 9 Halina! Tayo ay Magkaisa
Yunit III Para sa Kabutihan ng Lahat Sumunod Tayo
Aralin 1 Kaugaliang Pilipino, Mahalin
at Panatilihin
Aralin 2 Kalugod-lugod ang Pagsunod
Aralin 3 Sumunod Tayo sa Tuntunin
Aralin 4 Ugaling Pilipino ang Pagsunod
Aralin 5 Kalinisan, Nagsisimula sa
Tahanan
Aralin 6 Magtutulungan Para sa
Kalinisan ng Ating Pamayanan
Aralin 7 Ako: Tagapangalaga ng
Kapaligiran
Aralin 8 Kaya Nating Sumunod
v
Aralin 9 Laging Handa
Yunit IV Paggawa nang Mabuti, Kinalulugdan ng Diyos
Aralin 1 Pananalig sa Diyos
Aralin 2 Paniniwala Mo, Iginagalang
Ko
Aralin 3 Pag-asa: Susi Para sa
Minimithing Pangarap
Aralin 4 Ang Pag-asang Mayroon Ako,
Ibinabahagi Ko sa Kapuwa Ko
Aralin 5 Salamat O Diyos sa
Pagmamahal Mo sa Akin
Aralin 6 Tagumpay Mo, Kasiyahan Ko
Aralin 7 Manindigan Tayo Para Sa
Kabutihan
Aralin 8 Pagmamahal ng Diyos
Ibinabahagi Ko sa Aking
Kapuwa
Aralin 9 Biyayang Kaloob Ng Diyos,
Pangangalagaan Ko
vi
Aralin 1
Kaya Ko, Sasali Ako!
Ang bawat tao ay may natatanging kakayahan.
Bilang batang mag-aaral, unti-unti mong natututunan at
nalalaman ang mga kakayahang ito. Mahalaga na ito ay
iyong mapaunlad. Alamin kung papaano mo ito gagawin.
Gawain 1
Pagmasdan ang mga batang nakaguhit sa bawat
kahon.
2
Alamin Natin
Nais kong tularan ang batang_____________________
_________________________________________________sapagkat
______________________________________________.
Gawain 2
Ngayon naman ay tingnan mo ang mga bata na nasa
larawan. Ipinakikita rito ang kanilang mga natatanging
kakayahan.
3
Bigyang pansin ang kahon na walang nakaguhit na
bata kundi ang isang tandang pananong (?). Ito ay para sa
kakayahan mo na hindi mo nakita sa mga kahon. Suriin mo
ang iyong sarili. Isipin mo ang iyong natatanging
kakayahan. Isulat o iguhit ito sa iyong kuwaderno. Lagyan ito
ng pamagat na “Ito Naman ang Aking Natatanging
Kakayahan!” o kung anong pamagat ang gusto mo.
4
Ito Naman ang Aking Natatanging Kakayahan!
?
Sagutin ang sumusunod na tanong batay sa mga
kakayahang iyong inilista o iginuhit:
1. Sa mga itinala mong kakayahan, alin sa mga ito ang
palagi mong ginagawa?
2. Masaya ka ba kapag naipapakita mo ang
kakayahang ito sa ibang tao? Bakit?
3. Ano ang dapat mong gawin kapag medyo
kinakabahan ka pa sa pagpapakita ng iyong
kakayahan?
Gawain 1
“Ano-ano ang mga kayang-kaya kong gawin kahit na
ako ay nag-iisa?”
Isulat ang iyong sagot sa sagutang papel.
Mga kaya kong gawin:
1. ___________________________________________________
2. ___________________________________________________
3. ___________________________________________________
5
Isagawa Natin
Gawain 2
Magplano kayo!
Alam na ninyo ang inyong mga kakayahan. Kaya na
ninyo ang magplano ng isang pagtatanghal o palabas
para maipakita ang inyong mga natatanging kakayahan.
• Lahat ng mga mahuhusay sa pagguhit ay
magsama-sama upang mag-isip at gumawa ng
mga likhang sining na maaaring maipaskil sa isang
bahagi ng dingding/pader ng silid-aralan.
• Ang mga mahuhusay umawit, sumayaw, tumula, at
umarte ay magsama-sama upang magplano
naman ng isang natatanging palabas o
pagtatanghal.
• Magsama-sama naman sa isang grupo kung ang
inyong mga kakayahan ay hindi nabanggit sa
dalawang naunang pangkat. Umisip ng isang
gawain na makapagpapakita ng natatanging
kakayahan para sa isang palabas o pagtatanghal.
Gawain 3
Ang Araw ng Pagtatanghal
Ipakita ninyo ang iyong napagkasunduang palabas o
pagtatanghal at pagkatapos ay sagutin ang sumusunod na
tanong.
1. Ano ang masasabi ninyo tungkol sa mga iginuhit ng
inyong kamag-aral? Bigyan sila ng kaukulang
pagsusuri.
2. Pansinin naman natin ang mga kumanta, tumula,
sumayaw, at nagdudula-dulaan. Naipakita ba ng
6
inyong mga kamag-aral ang kanilang lakas ng loob
sa pagtatanghal? Patunayan.
3. Ano naman ang ipinakita ng ikatlong grupo? Suriin
naman ang kanilang pagpapakitang gilas.
4. Bakit kayo may lakas ng loob na ipakita ang inyong
mga natatanging kakayahan?
Punan ang kard sa ibaba. Gawin ito sa isang malinis na
papel.
Ako si______________________________.
Ako ay nasa_____________________________
(baitang)
ng ______________________________________.
(paaralan)
Kaya kong_______________________________
_________________________________________.
Ibabahagi ko ang aking kakayahan sa
tuwing may______________________________.
Tandaan Natin
7
Isapuso Natin
larawan
Lahat tayo ay may kani-kaniyang kakayahan. Ilan
sa mga ito ay ang kahusayan sa pag-awit, pag-arte,
pagsasayaw, pagtula, pagsulat, pagguhit, isport, at iba
pa.
Ang kakayahan ng bawat tao ay isang biyaya
mula sa Diyos. Ito ay dapat nating gamitin at linangin
sapagkat nakapagbibigay ito sa atin ng sariling
pagkakakilanlan. Maraming sikat na tao ang nakilala
dahil sa kanilang kakayahan. Ilan sa mga halimbawa
ay sina Liza Macuja bilang sikat na mananayaw, Leah
Salonga bilang sikat na mang-aawit, Julian Felipe bilang
sikat na kompositor, si Manny Pacquio bilang sikat na
boksingero, at si Presidente Corazon Aquino bilang sikat
sa kanyang demokratikong pamumuno.
Mahalaga na malaman mo ang iyong mga
kakayahan bilang isang bata. Ang mga ito ay dapat na
patuloy na nililinang o pinauunlad para higit na
magkaroon nang tiwala sa sarili. Kailangan natin itong
gamitin hindi lamang para sa ating sariling kapakanan
kundi para din sa kapakanan at ikasisiya ng ibang tao.
Palagi mong tandaan na ang anumang
kakayahan na meron ka ay dapat ipinapakita upang ito
ay higit na malinang.
8
Pag-isipan mo ang tanong na ito.
“Paano ko mapauunlad at magagamit ang aking
angking kakayahan?”
Sumulat ng isang maikling talata hinggil sa bagay na
ito o gumuhit ng isang katumbas ng talata.
A. Lagyan ng tsek () ang bilang ng mga kakayahan na
kaya mo nang gawin at ekis (X) kung hindi mo pa ito
kayang gawin o hindi mo pa ito nagagawa. Isulat ang
inyong sagot sa papel.
1. Maglaro ng chess
2. Sumali sa paligsahan ng pagguhit
3. Tumula sa palatuntunan
4. Sumali sa field demonstration
5. Sumali sa panayam/interview
6. Sumali sa paligsahan sa pagtakbo
7. Umawit sa koro ng simbahan
8. Makilahok sa paggawa ng poster
9. Sumayaw nang nag-iisa sa palatuntunan
10. Makilahok sa isang scrabble competition
11. Makilahok sa isang takbuhan
12. Maglaro ng sipa
9
Isabuhay Natin
Subukin Natin
13. Maglaro ng tumbang preso
14. Paglalahad sa paggawa ng myural
15. Umarte sa isang pang-entabladong pagtatanghal
Kung wala ang iyong kakayahan sa mga nakasulat sa
itaas, isulat mo sa iyong kuwaderno.
Naipakita mo ang natatangi mong kakayahan.
Binabati kita. Isiping muli ang mga nagawa mo ukol sa
kakayahang itinala at naipakita. Isaalang-alang ang
kayang-kaya mong magawa nang nag-iisa. Patuloy mo
itong paunlarin. Maaari mo itong ibahagi sa kapuwa nang
may tiwala sa sarili.
Sapagkat natapos mo nang may tiwala sa sarili ang
araling ito, maaari ka nang tumuloy sa susunod na leksyon.
10
Aralin 2
Iniatang na Gawain, Kaya Kong Gawin
Mayroong mga gawaing iniaatang sa bawat kasapi
ng tahanan maging sa batang tulad mo. Kabilang dito ang
mga aksiyon dapat isagawa sa loob ng iyong paaralan.
Ang pagkukusa ay isang napakahalagang pag-uugali
na dapat mong isakatuparan.
1. Isipin mo ang mga gawain na isinasakatuparan sa
inyong tahanan.
2. Gagabayan kayo sa pagbuo ng isang talahanayan
tungkol sa mga gawaing nakaatang sa iyo.
3. Sa ipapaskil ng guro na isang talahanayan, kukuha ka
ng hugis sa kahon at iyong ididikit sa tapat ng
tungkuling iniatang sa iyo sa tahanan.
Mga Gawain Mga Ilalagay na
Hugis
Naghuhugas ng pinggan
Nagpapakain ng alagang hayop
Nagpupunas ng mga kasangkapan
Nagliligpit ng hinigaan
Nagtatapon ng basura
Nagsasauli ng gamit sa angkop na
lalagyan
11
Alamin Natin
Sagutin ang tanong:
Ano ang nais ipakahulugan ng talahanayan?
Gawain 1
Basahin ang tula.
Kusa Kong Gagawin
Sa aming tahanan may mga tungkulin
Na dapat gampanan kasaping butihin
Magaa’t mabigat kusa kong gagawin
Tiwala at husay ay pananatilihin.
Paglilinis ng bahay pati ng bakuran
Paghuhugas ng pinggan, pagdidilig ng halaman,
Pagpupunas ng alikabok, pagliligpit ng hinigaan
Kusang loob na gagawin na may kasiyahan.
Sagutin ang mga tanong.
1. Ano ang mensahe ng binasa mong tula?
2. Ano ang naramdaman mo matapos mong basahin
ang tula?
3. Bukod sa mga nabanggit na gawain sa tula, ano-
ano pang mga gawain ang maaaring ibigay sa iyo?
4. Paano mo maipakikita na pinahahalagahan mo ang
mga gawaing ibinigay sa iyo?
5. Ipaliwanag ang iyong nararamdaman kapag
ginagawa mo ang mga gawaing ibinigay sa iyo.
12
Isagawa Natin
Gawain 2
Pangkatang Gawain – Paggawa ng Poster
Ngayon ay ipakikita natin ang mga gawain natin sa
paaralan sa pamamagitan ng poster.
Ito ang mga panuntunan na dapat tandaan sa
paggawa.
1. Gumawa nang maayos at tahimik. Iwasan ang
pag-iingay.
2. Iwasan ang paglipat-lipat sa ibang pangkat.
3. Iwasan ang pag-aaksaya ng gamit.
4. Panatilihing malinis ang gawain.
5. Kapag tapos na ang gawain, iligpit ang mga
kagamitan at linisin ang lugar.
Aming Gawain sa Paaralan
Mga kailangang kagamitan:
Manila paper/cartolina gunting pambura
lumang magasin pangkulay
Pamamaraan:
1. Pag-usapan ang mga tungkuling isasaad sa
poster at kung paano ito isasagawa.
2. Paghanap ng larawan sa lumang magasin na
nagsasaad ng gawain sa paaralan.
3. Pagdikit ng ginupit o iginuhit na larawan
4. Pagpaskil ng natapos na poster.
13
Suriin ang mga poster na ipinaskil.
1. Isa-isahin ang mga tungkulin na makikita sa poster.
2. Ano ang isinasaad ng mga poster?
3. Ano ang iyong mga nararamdaman habang
ginagawa ang mga ibinigay sa inyong gawain mula sa
inyong pamilya? Sa inyong paaralan? Ipaliwanag.
4. Dapat bang magkaroon ng tungkulin ang tulad
ninyong mga bata sa inyong sarili? sa paaralan?
Pangatwiranan.
Gumawa ng isang pangako tungkol sa gawaing
ibinigay sa iyo na nagpapakita ng tamang pagganap sa
tungkulin.
Tandaan Natin
Ang pagiging kasapi ng pamilya, paaralan,
simbahan, o anumang organisasyon ay hindi gawang
biro sapagkat ito ay nangangailangan ng kaukulang
responsibilidad at pananagutan.
Bilang isang kasapi, may mga gawaing na
iaatang sa iyo na dapat gawin at pahalagahan.
Dapat mong isapuso ang mga gawaing ibinigay sa
iyo tulad ng paglilinis, paghuhugas ng pinggan,
pagdidilig ng halaman, pagwawalis, at iba pa.
Gawin mo ito nang kusang-loob at walang hinihintay
na kapalit.
14
Isapuso Natin
Ang mga iniatang na gawain sa iyo bilang
kasapi ng pamilya, paaralan, o anumang samahan
ay nagpapakita ng malaking tiwala sa iyong
kakayahan kung kaya ay dapat mo itong ipagmalaki
kanino man.
Gawain 1
Magpakita ng dula-dulaan ayon sa hinihingi sa bawat
pangkat.
Pangkat 1- Pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga
gawain sa tahanan: paglilinis, paghuhugas
ng pinggan, pagliligpit ng pinagbihisan,
pag-iigib, pagbili ng kakailanganin sa
pagluluto ng nanay o tatay, at iba pa na
inyong maiisip.
Pangkat 2 - Pagpapakita ng pagpapahalaga ng mga
gawain sa paaralan: pagtatama ng papel,
paglilista ng maingay sa klase, paglilinis sa
silid-paaralan, pagbubura ng sulat sa
pisara, pagtitinda sa kantina sa oras ng
rises, at iba pang maiisip ninyong gawin.
Pagkatapos ng palabas sagutin ang mga tanong:
• Ano ang ipinahihiwatig ng bawat dula-dulaan?
• Aling pangkat ang mas nagustuhan ninyo? Bakit?
15
Isabuhay Natin
Gumawa ng isang talaarawan sa iyong kuwaderno
tulad ng nasa ibaba. Hayaan ang isang kamag-aral na
nakakita ng iyong kilos na may pagkukusa ang siyang
magtala ng iyong ginawa. Punan ang talaarawan para sa
isang linggo at ipasa.
16
Subukin Natin
Aralin 3
Hawak Ko: Tatag ng Loob
“Sa isang batang katulad mo, katatagan ng loob ay
dapat na tangan mo!”
Bilang bata, ano-anong mga damdamin at
palatandaan ang makapagpapakita ng katatagan ng
iyong loob? Pag-aralan ang mga gawain sa araling ito
upang mas maging matatag ang iyong kalooban.
Pag-aralan mo ang sumusunod na larawan. Pumili ng
isa na maaari mong tularan. Anong damdamin ang
maaaring nararamdam ng mga batang tulad mo kung
gagawin ito sa harap ng maraming tao?
17
Alamin Natin
A B
Isulat sa metacard ang iyong sagot. Pagkatapos, ipaskil
ito sa tapat ng pinalaking larawan na idinikit naman sa
pisara ng inyong guro. Ihanda ang sarili para ipaliwanag
kung bakit ito ang mga napili mong kasagutan.
Gawain 1
Suriin at sagutin mo ang sumusunod na sitwasyon gamit
ang mga pananda. Gawin ito sa inyong papel.
P- Palaging ginagawa
M- Madalas ginagawa
B- Bihirang ginagawa
H- Hindi ginagawa
1. Tinatanggap ko ang aking pagkatalo nang nakangiti.
2. Sumasali ako sa mga palatuntunan at paligsahan kahit
minsan ay natatalo.
3. Umiiwas ako sa pakikipag-away.
4. Mahinahon ako sa pakikipag-usap sa nakasamaan ko
18
Isagawa Natin
C D
ng loob.
5. Magsasabi ako ng totoo kahit ako ay mapagagalitan.
6. Humihingi ako ng patawad sa mga nagawa kong
kasalanan.
7. Pinipigilan ko ang aking sarili sa pagsunod sa di-
mabuting udyok ng iba.
8. Tinatanggap ko ang mga puna ng aking mga kaibigan
nang maluwag sa aking puso.
9. Tinatanggap ko kung pinagagalitan ako ng mga
nakatatanda.
10. Masigasig ako sa aking mga ginagawa para
mapaunlad ang aking kakayahan.
Markahan mo ang iyong sarili. Gamitin ang katumbas na
marka at pagsama-samahin ang mga ito.
P-5; M-3; B-2; H-0
Ibigay sa guro ang iyong papel, upang ito ay
mabigyan ng kahulugan.
Ang natapos na gawain ay isa lamang pagtuklas sa
iyong taglay na katatagan ng loob. Maaari ka nang
tumuloy sa susunod na gawain.
Gawain 2
Pangkatang Gawain
Pumili ng lider at tagasulat sa inyong pangkat.
Pag-aralan ninyo ang komik-istrip at talakayin ang mga
pangyayari. Pagkatapos sagutin ninyo ang sumusunod na
tanong. Pumili ng isang miyembro na maglalahad ng mga
kasagutan ng inyong pangkat.
19
Isang tagpo sa paaralan ang nagaganap hinggil sa
pag-uusap nina Tom at Juan tungkol sa kanilang kamag-
aral na si Allan. Suriin ang kanilang palitan ng mga salita.
Sagutin ang sumusunod na tanong batay sa komik-istrip
na inyong binasa.
1.Ano ang paksa ng pag-uusap nina Tom at Juan?
2.Bakit nila pinag-uusapan si Allan?
3.Tama ba ang ginawa ni Allan sa kanila? Bakit?
4.Ano kaya ang pakiramdam nina Tom at Juan ukol sa
sitwasyon?
5.Sino sa kanila ang may matatag na kalooban? Bakit?
6.Kung kayo ang nasa kalagayan nina Tom at Juan, ano
ang inyong gagawin? Bakit?
7.Masasabi mo ba na ang pagtitimpi ay palatandaan
ng katatagan ng loob?
20
Ano ang mga natutunan natin sa komik-istrip? Sino-sino
sa mga bata ang may matatag na kalooban?
Gawain 1
Pag-usapan sa inyong grupo ang sagot sa mga
tanong. Isipin ninyo ang mga damdaming may kaugnayan
sa pagiging matatag ang loob. Isulat ito sa loob ng bilog.
Gawin ito sa inyong kuwaderno. Pumili ng mag-uulat sa
klase.
Gawain 2
Ngayon, gagawa kang mag-isa ng isang graphic
organizer sa iyong sagutang papel. Gamiting gabay ang
sitwasyon na nakasaad sa loob ng kahop sa ibaba.
Magkakaroon ng paligsahan sa pagbigkas
ng tula. Napili kang kinatawan ng iyong paaralan.
Ano-ano ang mga aksiyon para maipakita mo na
matatag ang iyong kalooban?
21
Isapuso Natin
Katatagan
ng
Loob
Ilagay ang mga kasagutan sa graphic organizer sa
inyong kuwaderno.
***Maaari mong dagdagan ang kahon.
Tandaan Natin
May mga palatandaang nagpapakita ng pagiging
matatag ang loob. Ilan sa mga ito ang pagkakaroon ng
lakas at tapang ng loob na harapin ang isang mabigat
na problema, tibay ng loob kapag naatasan na ipakita
ang anumang kakayahan, pag-iisip o pagninilay bago
gumawa ng aksiyon, at pagkakaroon ng kontrol o
pagtitimpi sa kapuwa.
Bilang mag-aaral, makabubuting pagtuunan mo ng
pansin ang mga gawain na magpapatatag sa iyong
kalooban upang patuloy kang makagawa ng mga
makabuluhang aksiyon. Palaging isaisip na ang
katatagan ng loob ay isang uri ngkatangian na dapat
pahalagahan at isabuhay ng bawat tao. Tulad ng
pagiging positibo sa lahat ng pagkakataon kahit na
mahirap gawin ay makakaya pa rin. Gayundin ang
paghingi ng tulong sa iba kung kinakailangan.
22
Mga Damdamin na Nagpapamalas ng Katatagan ng Loob
Sa iyong palagay, taglay mo ba ang katatagan ng
kalooban?
Basahin ang sitwasyon na nasa loob ng kahon. Isulat
ang sagot sa sagutang papel
Sitwasyon
Habang naglilinis sa silid-aralan ay nasagi ni Rio ang
paso ng halaman at ito ay nabasag. Hinintay niya ang
kanilang guro at sinabi niya ang nangyari.
1. Ano-ano kaya ang kanyang mga naramdaman bago
at pagkatapos niyang magsabi sa guro ng totoong
pangyayari?
2. Paano naipakita ni Rio na matatag ang kaniyang
kalooban?
23
Isabuhay Natin
Sagutin ang sumusunod na katanungan.
Ano-ano ang mga damdaming ipinamamalas ng
isang batang may matatag na kalooban? Isulat sa loob ng
lobo sa sagutang papel ang iyong sagot.
24
Subukin Natin
Aralin 4
Matatag Ako, Kaya Kong Gawin!
Ang katatagan ng loob ng isang batang tulad mo ay
maaaring ipakita sa iba’t ibang pagkakataon. Ngunit
paano mo naman tinatanggap ang puna ng ibang tao sa
mga pagkakamali mo o hindi magandang kilos, gawa, at
gawi? Sasama ba ang loob mo o itatama mo ang mga ito?
Gawain 1
Basahin ang mga pangungusap. Isipin kung alin sa
sumusunod ang nangangailangan ng iyong katatagan.
Isulat sa papel ang iyong kasagutan.
1. Hinahamon ka ng away ng iyong kamag-aral.
2. Magpapabakuna ka laban sa isang epidemiya o
sakit.
3. Magwawalis ka ng bakuran.
4. Sasagot ka sa mahirap na tanong ng guro.
5. Mag-aalaga ka ng halaman.
6. Sasawayin mo ang mga maling ginagawa ng iba.
7. Maglalaro ka sa labas ng bahay kahit umuulan.
8. Matutulog ka nang mag-isa kung gabi kahit wala kang
katabi.
9. Makikipag-usap ka sa punong-guro tungkol sa
paglahok sa isang kontes sa labas ng paaralan.
10. Makikipaglaro ka sa iyong mga kababata.
25
Alamin Natin
Gawain 1
Basahin ang diyalogo.
Nagbago Dahil sa Tamang Puna
Oras ng rises, pinalabas na ng kanilang guro ang
mga mag-aaral sa ikatlong baitang pangkat Rosas.
Nakapila ang klase subalit si James at Robert ay hindi
pumila. Nag-uunahan silang tumakbo sa labas.
James: Dalian mo Robert! Mauunahan tayo ng iba
sa pilahan sa kantina!
Robert: Sige, sabay tayo! Baka tayo maubusan.
(At nag-uunahan silang tumakbo sa
kantina.)
Robert: Ano ba ang bibilhin mo?
James: Ang gusto ko ay pansit at sago. Ikaw?
Robert: Banana cue at juice.
(Hindi nila napansin si Gng. Gonzales kaya nabunggo
nila ito. Agad silang pinigil ni Gng. Gonzales.)
Gng.
Gonzales:
Mga bata, tigil muna kayo. Hindi ba ninyo
nabasa ang nakasulat na paalaala na
nakapaskil sa pader?
Bawal tumakbo sa pasilyo ng mga gusali.
Baka kayo madulas at maaksidente. Dapat
ninyo itong sundin para maiwasan ang
26
Isagawa Natin
anumang aksidente at makasakit ng ibang
tao.
James at
Robert:
(Hiyang-
hiya)
Sori po, Ma’am. Nagmamadali lang po
kami. Hinding-hindi na po kami uulit.
Simula noon ay lagi nang pumipila ang dalawa
kapag lumabas ng silid-aralan kasama ng kanilang
kamag-aral. At lahat ng tuntunin sa paaralan ay kanila
nang sinusunod.
Sagutin ang mga tanong.
1. Sino ang pumuna sa maling gawi nina Robert at
James?
2. Anong mga katangian ang ipinakita ng dalawang
bata na magpapatunay na matatag ang kanilang
kalooban lalo na nang kausapin sila ng guro?
3. Patunayan na ang puna na ibinigay ng guro sa
dalawang bata ay naging epektibo.
4. Bakit mahalaga ang pagtatama sa mga maling asal
at gawi?
5. Kung ikaw ang isa sa mga mag-aaral, ano ang
iyong mararamdaman kapag itinatama ka ng iyong
guro? Ipaliwanag.
27
Gawain 2
Bumuo ng pangkat na may anim hanggang walong
kasapi. Pumili kayo ng lider. Pag-aralan at talakayin ang
sitwasyon.
May proyekto tungkol sa paggawa ng accessory
gaya ng kuwintas o pulseras ang mga bata. Gagamitin sa
proyekto ang mga kagamitang makikita sa kanilang
pamayanan. Kabilang dito ang kabibe, mga buto ng
prutas, o gulay. Nakasubaybay sa kanila si Gng. Magbuhat.
Nagbibigay siya ng puna at mga mungkahi. Sinunod ng
mga bata ang mga sinabi ng kanilang guro. Kahit na ito ay
mahirap gawin, hindi sila nagpakita ng sama ng loob, o
pagtatampo sa kanilang guro, dahil alam nila na ito ay
tama. Alam din ng mga bata na ito ay para sa ikagaganda
ng kanilang proyekto. Pagkaalis ng guro, patuloy nilang
sinunod ang habilin. Natapos ang proyekto at nakakuha sila
ng mataas na marka.
28
Sagutin ang mga tanong.
1. Anong proyekto ang pinagagawa ni Gng. Magbuhat?
2. Bakit pinahahalagahan ng mga bata ang mga puna
at mungkahi ng kanilang guro?
3. Sa iyong palagay, ang pagtanggap ba sa mga puna
at pagsunod sa mga mungkahi ng mga nakatatanda
tulad ng guro ay nagpapamalas ng katatagan ng
loob? Ipaliwanag.
Basahin ninyo ang sitwasyon. Magkaroon ng masusing
talakayan tungkol dito at pag-usapan ang nararapat
gawin.
29
Isapuso Natin
Sitwasyon: Dumating ang mga kamag-aral ni Ana sa
bahay. Inilabas niya ang kahon ng laruan at naglaro sila.
Matapos maglaro ay umuwi na sila.
Naiwang nakakalat ang mga laruan, at si Ana naman
ay nanuod ng palabas mula sa telebisyon. Dumating ang
kanyang kuya at pinagsabihan si Ana. Ipinaliwanag ng
kanyang kuya ang kanyang dapat gawin kung sakaling
tapos na ang kanilang paglalaro.
Sagutin ang sumusunod na tanong:
1. Bakit pinagsabihan ni kuya si Ana?
2. Tama ba na iwanan ni Ana at mga kalaro niya na
nakakalat ang mga laruan? Bakit?
3. Ano ang dapat ginawa ni Ana bago nanuod ng
telebisyon?
Tandaan Natin
Nasusubok ang katatagan ng ating loob sa
pamamagitan ng:
• pagtanggap sa puna ng ibang tao at
pagtatama sa mga hindi magandang kilos,
gawa, at gawi bilang tao.
• pagtatama sa mga maling nagawa at
pagsasakatuparan ng mga pagbabago mula sa
mga mungkahi upang lalo pa itong mapaganda
at mapabuti.
Isa sa kasabihan ng mga nakatatanda ay ito: Ang
pinakamagandang silid sa mundong ito ay ang silid ng
pagbabago at pag-unlad. Ang katatagan ng ating loob
ay maipakikita ng isang tao sa pamamagitan ng
payapang pagtanggap ng mga puna at puri sa ating
buhay. Ang taong marunong tumanggap ng papuri ay
dapat na marunong ding tumanggap ng puna upang
makamtan ang tunay na pagbabago.
30
Kaya mo na bang tanggapin ang puna ng ibang tao
sa maling kilos, gawa, o gawi na iyong ipinapakita? Kumuha
ka ng iyong kapareha at pag-usapan ang sumusunod na
sitwasyon. Maaaring iguhit o isulat ang inyong gagawin kung
paano tatanggapin ang iba’t ibang puna. Gawin ito sa
inyong kuwaderno.
1. Pinagsabihan ka ng iyong kaibigan dahil palagi
mong kinukuha ang kanyang lapis ng hindi ka
nagpapaalam.
2. Sinabihan ka ng guro mo na magbasa ka palagi
pagkatapos ng klase.
3. Pinagsabihan ka ng ate mo na dapat magpakita ng
paggalang habang nakikipag-usap sa mga
nakatatanda.
4. Kinausap ka ng iyong guro at sinabihan na dapat
palaging maligo bago pumasok sa paaralan.
5. Pinaaalalahanan ka ng iyong nanay dahil palagi
mong inaaksaya ang tubig na iniigib ng iyong kuya.
31
Isabuhay Natin
Sipiin sa inyong papel. Lagyan ng tsek ( ) ang angkop
na hanay ng iyong sagot.
Ginagawa mo ba ang mga
ito?
Palagi Bihira Hindi
1. Tinatanggap nang
maluwag sa loob ang puna
ng ibang tao sa iyong mga
natapos na gawain.
2. Tinatanggap nang
maluwag sa loob ang puna
sa iyong naging gawi.
3. Nagkakaroon nang
pagbabago sa gawa at
gawi dahil sa puna.
4. Binabago ang isang gawain
kapag napagsabihang
hindi ito nakasusunod sa
pamantayan.
5. Naghahangad na higit na
mapabuti ang anumang
gawa o gawi.
Magaling mong naisagawa ang katatapos na aralin.
Tingnan mo naman ang susunod na aralin upang lalo pang
mapaunlad at mapatibay ang iyong kaalaman at
pagpapahalaga.
32
Subukin Natin
Sapagkat mahusay mong naisakatuparan ang araling
ito, subukin mo nang alamin at sagutin ang susunod na
aralin.
Aralin 5
Malusog na Katawan, Damdamin, at Kaisipan:
Pangalagaan
Mahalaga ang kalusugan sa bawat isa sa atin.
Matatamo ito kung maisasagawa ang iba’t ibang wastong
kilos at gawi upang mapanatili ang malusog at ligtas na
pangangatawan.
May kasabihan tayo na “Ang Kalusugan ay
Kayamanan.” Naniniwala ka ba rito? Naalala mo pa ba
ang iba’t ibang paraan na iyong ginawa para mapanatili
ang iyong kalusugan?
Awitin ang likhang-awit sa himig ng “Sitsiritsit
Alibangbang.” Pagkatapos ay basahin naman ito ng pa-
rap.
“Mga batang katulad ko
Kalusuga’y iningatan ko
Katiwasayan ng isip ko
Magandang gawi sa buhay ko.
Masustansiyang pagkain
Ehersisyo’y dapat gawin
Mahinahon na damdamin
Kapayapaan ang kakamtin”
33
Alamin Natin
Sagutin ang tanong sa inyong kuwaderno.
1. Tungkol saan ang awit?
2. Ayon sa awit, ano-anong mga wastong kilos at gawi
ang nabanggit tungkol sa pangangalaga ng
katawan?
3. Ipaliwanag kung bakit ang pagiging
mapagpasensiya at pagiging mahinahon ay may
kinalaman din sa pagpapanatili ng ating kalusugan.
4. May mga gawi ka ba na hindi nabanggit sa
awit/rap? Talakayin ang mga ito sa klase.
Gawain 1
Bumuo ng limang pangkat sa klase. Pumili ng inyong
lider na magkukunwaring isang sikat na host. (Halimbawa si
Mike Enriquez at Karen Davila o iba pa). Ang mga natitirang
kasapi ng pangkat ay uupo sa harapan at iinterbyuhin ng
inyong napiling host tungkol sa inyong mga gawi sa
pangangalaga ng kalusugan at kaligtasan ng katawan
mula sa karamdaman. Pagkatapos ng panayam, ang
bawat host ay mag-uulat sa klase tungkol sa buod ng
napag-usapan.
34
Isagawa Natin
Gumawa ka ng isang pangako sa loob ng isang
malaking puso tungkol sa pangangalaga ng iyong
kalusugan at kaligtasan ng katawan. Pagkatapos mo itong
gawin, makipagpalitan ka sa iyong mga kaklase at
papirmahin mo sila sa loob ng puso tanda ng pagiging saksi
nila sa pangako na iyong isinulat.
May kilala ka bang tao o grupo na palagiang
tumutulong sa mga may sakit? Sa iyong palagay, bakit nila
ito ginagawa?
Sumulat ka ng Liham Pasasalamat sa tao o grupo
hinggil sa kanilang mga ginawang pagtulong.
35
Isapuso Natin
Isabuhay Natin
Ako si ______ ay nangangakong
____________________________
_________________________.
Ako si ______ ay nangangakong
____________________________
_________________________.
Tandaan Natin
Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, ang
kasabihang “Ang kalusugan ay kayamanan” ay isang
makatotohanang kaisipan na dapat paniwalaan.
Ang isang batang malusog ay madaling
makagawa ng mga proyekto o gawain na may
kahusayan. Ang paraan ng kanyang pag-iisip ay
kahanga-hanga sapagkat nasasalamin sa kanya ang
katalinuhan. Masasabi ring malusog ang isang bata
kung naipakikita niya nang wasto ang kaniyang
emosyon o damdamin.
Ang katawan ay maaaring maging ligtas mula sa
karamdaman kung nakagagawa ng mga wastong kilos
at gawi tulad ng pagpapanatiling malinis ng katawan,
tamang bilang at oras ng pagtulog, tamang pag-
eehersisyo, pagkakaroon ng positibong pagkilala sa
sarili, pagiging masayahin, at pagkain ng tama at
masusustansiyang pagkain sa tamang oras.
Isulat mo sa loob ng bawat
lobo ang natutuhang mga gawi sa
pangangalaga ng iyong kalusugang
pisikal, mental, at emosyonal. Gawin
mo ito sa isang malinis na papel.
36
Subukin Natin
Binabati kita! Maaari ka nang magpatuloy sa susunod na
aralin.
Aralin 6
Sama-sama… Kaligtasan, Panghawakan!
Natutunan mo sa nakaraang aralin ang mga wastong
kilos at gawi upang mapangalagaan ang iyong kalusugan
at kaligtasan ng katawan sa anumang karamdaman. Sino-
sino ang ibig mong bahaginan at hikayatin upang hawak-
kamay kayong magtulungan tungo sa maayos na
kalusugan at pangangatawan?
Gawain 1
Awitin ang liriko sa ibaba sa himig ng “Hawak-Kamay.”
“Hawak-Kamay”
Para sa ating kalusugan
At ‘olrayt’ na kaligtasan,
Hawak-kamay,
Halina’t sumama
Sa paglalakbay.
Sagutin sa isang papel.
1.Ano ang pagkaunawa mo sa awit?
2.Sino-sino ang ibig mong hikayatin upang matamo
ang mabuting kalusugan at kaligtasan ng
katawan?
37
Alamin Natin
Gawain 2
Masdan mo ang larawan sa ibaba. Ipagpalagay mo
na ikaw ay nasa gitna. Isulat mo sa ibabaw ng larawan ang
pangalan ng mga taong nais mong hikayatin para matamo
ang maayos na kalusugan at kaligtasan ng katawan.
Sagutin ang mga tanong:
1. Sino-sino ang mga taong nais mong isama tungo sa
pagtamo ng maayos na kalusugan?
2. Bakit mo sila hinihikayat? Ano-ano ang iyong mga
dahilan?
38
3. Paano ka manghihikayat? Itala ang mga paraang
naiisip mo.
Narito ang isang tseklist. Ibigay mo ito at pasagutan sa
mga napili mong hikayatin upang malaman mo kung
gaano nila kadalas ginagawa ang mga gawain. Lagyan ito
ng kaukulang tsek ().
Mga Gawain Madalas Bihira Hindi
1. Kumakain nang sapat
sa tamang oras
2. Nakikilahok sa mga
laro
3. Nakikilahok sa mga
sayaw
4. Kumakain ng mga
gulay at prutas
5. Umiinom ng tubig na
hindi kukulangin sa
walong baso sa
bawat araw
6. Nag-iingat sa
paglalakad at
pagtawid sa daan
39
Isagawa Natin
7. Inililigpit ang mga
kagamitang maaring
makadisgrasya
8. Nakikisalamuha sa
mga kaibigang may
mabubuting gawi at
katangian
9. Iniiwasang magpuyat
10. Nagdarasal bilang
pasasalamat sa mga
biyayang
tinatanggap
Gawin ang sumusunod:
1. Itala mo at kunin ang bahagi ng bawat sagot sa
tseklist.
2. Ano ang iyong gagawin sa mga sumagot nang
bihira at hindi? Isulat ang inyong mga mungkahi sa
inyong kuwaderno.
1. ______________________________________________
2. ______________________________________________
3. ______________________________________________
3. Pag-usapan ang mga iminungkahi at papirmahin
sila sa kuwaderno bilang patunay ng pagsang-ayon.
4. Magkaroon ng pag-uulat sa klase hinggil sa
napagkasunduang mungkahi.
40
May ideya ka ba kung ano ang networking?
Halika! Mag-networking tayo!
1. Bumuo ng limang pangkat. Mula sa mga sagot na
bihira at hindi, gumawa ng isang programa sa
pamamagitan ng networking.
2. Pumili ng lider sa bawat pangkat. Kausapin ang mga
kasapi upang makahikayat ng ibang miyembro
hanggang sa lumawak ang adhikain upang
mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng
bawat tao laban sa sakit o anumang karamdaman.
(Halimbawa: Oplan Walong Basong Tubig Bawat
Araw)
3. Pag-usapan ninyo kung kailan kayo magkikita-kita
upang maiulat ang listahan ng mga taong kanilang
nahikayat at kung anong estratehiya ang ginawa nila
para makahikayat ng iba.
41
Isapuso Natin
Mungkahi:
Sa pagpupulong, maari kayong
mag-anyaya ng mga resource speaker na
magsasalita tungkol sa kahalagahan ng
adhikaing inyong pinagkasunduan.
Tandaan Natin
Ang kaalaman sa mga wastong gawi sa
pagkakamit ng wastong kalusugan at kaligtasan
mula sa anumang karamdaman ay dapat ibahagi
sa iba.
Isa sa mga magagawa ng mga batang
katulad mo ay ang sumali sa mga gawaing
pambarangay o pampamayanan. Gawin mong
advocacy ang pagpapanatili ng kalinisan sa inyong
kapaligiran upang maging ligtas ang tao sa
anumang sakit na dala ng hayop, maruming tubig,
at hangin. Maaari na sa inyong kapitbahayan ay
magsama-sama kayong magkakalaro upang
maglinis ng inyong kanal o estero sa araw na walang
pasok. Ang simpleng gawaing ito ay makatutulong
para mapanatili ang kalinisan sa inyong lugar at
maligtas sa anumang sakit na dulot ng maruming
pamayanan.
Nilalayon ng Kagawaran ng Edukasyon at ng
Kagawaran ng Kalusugan na ang bawat mag-aaral
ay maging bahagi ng pagpapalawak ng kaalaman
tungkol sa kalinisan at kalusugan.
Sa Brigada Eskuwela na ginagawa taon-taon,
makikita na ang dalawang ahensiya ay
nagtutulungan upang maging malinis at kaaya-aya
ang bawat silid sa paaralan para sa madali at
epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral.
42
Magpaskil ng isang manila paper sa isang bahagi ng
pader ng paaralan na may islogan na “Kampanya…
Kalusugan at Kaligtasan, Halina… Sali Na! Kung nais ninyong
sumama, isulat ang inyong pangalan at pirma.”
Ang lahat ng susuporta sa kampanya ay pipirma at
maglalagay ng maikling pahayag, pangungusap, o
pangako. Tatawagin mo silang mga tagapagtaguyod ng
mabuting kalusugan at kaligtasan.
Sa tulong ng inyong punung-guro, mga guro, at mga
mag-aaral sa inyong paaralan, magkakaroon kayo ng isang
pagpupulong kung saan ay pag-uusapan ninyo ang
gagawing proyekto para sa kalusugan at kaligtasan sa
inyong paaralan o pamayanan.
Umisip o tumukoy ng mga taong ang advocacy ay
tungkol sa kalusugan at kaligtasan ng katawan.
Sino siya? Isulat ang pangalan sa
frame. Maaari mo ring idikit ang
larawan niya sa frame kung mayroon
ka. Lagyan mo ng isang maikling
paliwanag kung paano mo siya naging inspirasyon.
Ipakita/iulat mo ito sa inyong klase.
43
Isabuhay Natin
Subukin Natin
Kahanga-hanga ang iyong ginawa! Binabati kita sa
araling iyong natapos. Ngayon, maaari ka nang tumungo sa
susunod na aralin.
Aralin 7
Panalo Ako! Sa Isip, Sa Salita, at Sa Gawa
Kumusta na ang iyong kalusugan kaibigan? Ayos lang
ba?
Alam ko, ito ay ayos na ayos! Sa iyong mga natutunan
tungkol sa wastong kalusugan, maglakbay ka at tuklasin ang
mga magagandang ibubunga sa pagkakaroon at
pagpapatuloy ng magandang gawi tungo sa
pangangalaga ng iyong sariling kalusugan.
Suriin at pag-aralan ang mga larawan. May paligsahan
ng A-1 Child sa paaralan.
44
Alamin Natin
A B
Sagutin ang mga tanong sa iyong kuwaderno.
1. Kung ikaw ang hurado, sino sa kanila ang pipiliin
mong sumali sa paligsahan?
2. Bakit siya ang pinili mo?
3. Kung ikaw naman ang mapipiling kandidato sa A-1
Child, ano ang iyong mararamdaman? Bakit?
4. Ano-ano ang magagandang ibinunga ng may
palagiang pangangalaga sa sariling kalusugan at
kaligtasan? Isa-isahin.
Gawain 1
Isagawa ang gawaing ibinigay sa inyong pangkat.
1. Kung kayo ay may angkop na gawi sa pangangalaga ng
inyong kalusugan at kaligtasan, isagawa ito sa
pamamagitan ng:
***Jingle para sa Unang Pangkat
***Rap para sa Ikalawang Pangkat
***Pantomime para sa Ikatlong Pangkat
***Komiks-Istrip para sa Ikaapat na Pangkat
2. Pagkatapos ng pagtatanghal, magbigay kayo ng mga
reaksiyon sa mga palabas na nakita.
45
Isagawa Natin
Gawain 2
Word Search
Sipiin ang puzzle sa kuwaderno. Bilugan ang mga
salitang nagpapahayag ng mabuting kinalabasan ng
pagkakaroon ng maayos na kalusugan.
L M A L U S O G M
I C D F G L I S A
S M A L I K S I S
T L L I G T A S A
O S B O L A M L Y
G M A S I G L A A
Sagutin ang sumusunod na tanong:
1. Ano-anong salita ang nabuo mo? Isulat sa kuwaderno.
2. Makikita ba sa iyong katauhan ang mga salitang
nabuo mo?
3. Magbigay ng mga kayang gawin kapag ang isang
bata ay malusog.
46
Ang inyong paaralan ay nagplano ng Fun Run.
Ang lahat ay inaanyayahang lumahok sa nasabing
gawain. Papaano mo ipakikita ang iyong pakikiisa sa
nasabing gawain? Magtala ng isa hanggang limang
paraan.
Tandaan Natin
Ang patuloy na pangangalaga sa sariling
kalusugan at kaligtasan ay makabubuti sa ating
katawan. Makabubuti rin ito sa ating emosyon.
Isa sa mga gawaing pangkalusugan na
nagaganap sa kasalukuyan ay ang Fun Run. Ginawa ito
ng mga Samahang Pangkabataan at iba pa sa ating
bansa, sa Pamahalaang Lokal, at maging sa Barangay.
Ang paglahok sa mga ganitong gawain ay pagpapakita
ng pakikiisa at higit sa lahat ang pagbibigay pansin sa
pagpapanatili ng mabuting pangangatawan.
Time Out! Bumuo ng apat na pangkat sa klase at
umisip ng isang commercial o patalastas na may
kaugnayan sa kalusugan. Ipakita ito sa klase. Pagkatapos ng
47
Isapuso Natin
Isabuhay Natin
bawat palabas, talakayin ang mga natututuhan. Sabihin
kung ito ay nagustuhan o hindi at ipaliwanag kung bakit.
Fish Bowl Game
Pumili ka ng isang isda sa bowl. Basahin mo ang
nakasulat sa isda. Sagutin at ipaliwanag kung bakit
nakatutulong sa kalusugan ng isang tao ang mga katagang
nakasulat sa isda na nakuha mo.
Nagawa mo ng mahusay ang araling ito. Kudos!
Ngayon ay maaari ka nang tumuloy sa susunod na aralin.
48
Subukin Natin
Aralin 8
Pamilyang Nagkakaisa, Tahanang Masaya
Napakaganda ang tahanang masaya lalo na kung
nagkakaisa at nagkakasundo ang bawat kasapi ng
pamilya.
Basahin mo ang tula.
“Tuloy Po Kayo”
Halina, tuloy po kayo
Sa aming tahanan
Kahit na payak lang
Ay maayos naman!
Ang utos ni nanay
Maging ni tatay
Sinusunod namin
Nang buong husay
Si ate, si kuya
Ako at si bunso
Ay nagmamahalan
Nang taos sa puso.
49
Alamin Natin
Sagutin ang sumusunod na tanong.
1. Tungkol saan ang tula?
2. Maglista ng mga madalas na tagubilin ng inyong mga
magulang.
3. Sinusunod mo ba ang mga utos at tagubilin ng iyong
mga magulang? Bakit?
4. Ano-anong sitwasyon ang nagpapakita ng
pagmamahal at pagkakasundo sa inyong pamilya?
5. Ano ang iyong nararamdaman kung ang iyong
pamilya ay nagkakasundo at nagmamahalan?
Gawain 1
Isulat mo sa metacard ang isang alituntunin o
patakaran sa inyong tahanan na iyong sinusunod. Idikit ito
sa paskilan.
Bakit ito ang iyong napiling patakaran sa lahat ng mga
alituntuning mayroon sa iyong tahanan?
Gawain 2
Pagkatapos magawa ang unang gawain,
magpangkat-pangkat. Pumili ng lider. Sa pangunguna ng
inyong lider, pagsama-samahin ang mga nakapaskil sa
50
Isagawa Natin
Patakaran Tandaan
metacards ayon sa nakasulat. Talakayin kung papaano at
bakit kailangan itong sundin.
Iulat ito sa klase.
Kulayan ng berde ang arrow kung araw-araw mong
ginagawa ang nakasulat, dilaw kung bihira, at pula kung
hindi. Gawin ito sa isang papel.
51
Isapuso Natin
Mga Tagubilin sa Akin
Nagdadabog ako kapag inuutusan
Nagsasabi ako ng totoo
Naisasagawa ko ang nakatakda kong
gawain sa bahay
Bumibili ako kung kailangan lamang
Malinis ako sa aking katawan
Sagutin ang sumusunod na tanong.
1. Bakit mahalaga ang pagsunod sa mga alituntunin?
2. Magiging masaya ba ang tahanan kung ang bawat
kasapi ng pamilya ay nagkakaisang sumunod sa
mga alituntuning itinakda? Ipaliwanag ang iyong
kasagutan.
Tandaan Natin
Ang pamilya ay ang pangunahing yunit ng
lipunan. Ito ang nagpapasigla ng pamayanan lalo na
kung ang bawat kasapi nito ay nakatutupad sa
tungkuling iniaatas sa kanya.
Dapat nating sundin ang mga tuntuning itinakda
ng tahanan tungo sa masaya at maayos na samahan.
Ang mga tuntunin ay itinakda upang sundin ng
bawat kasapi ng pamilya tungo sa maayos at
masayang pamumuhay.
Bilang mag-aaral at kasapi ng pamilya,
makabubuti ang iyong mga ginagawa ay dapat na
ikinasisiya ng iyong mga magulang. Magsisilbi itong
inspirasyon upang lalo pa nilang mapaganda ang
kinabukasan ng kanilang mga anak na tulad mo. Dahil
dito, mahalagang sinusunod mo ang mga alituntunin at
patakarang pinagkasunduan sa tahanan lalo na sa
disiplina at sa iyong pag-aaral.
52
Umisip ka ng isang pangyayari sa iyong buhay na may
kinalaman sa hindi mo pagsunod sa tagubilin ng inyong
mga magulang. Ano ang naidulot nito sa iyo? Ano ang aral
na iyong natutunan? Gawin ito sa iyong kuwaderno.
Pangyayari: ______________________________________________
Epekto: ___________________________________________________
Aral na natutunan: ________________________________________
Pagmasdan ang nakaguhit na puno. Ipagpalagay mo
na ito ay ang iyong pamilya. Ang iyong mga magulang o
sinumang kasama sa bahay ay ang malalaking ugat. Ano-
anong mga tagubilin ang pinasusunod sa iyo ng iyong mga
magulang hanggang sa ikaw ay maging isang mabuting
bunga? Isulat ang mga tagubilin o iniuutos sa iyo ng iyong
mga magulang sa katawan ng puno at ang iyong
pangalan naman bilang bunga.
53
Isabuhay Natin
Subukin Natin
Pamilyang Nagkakaisa
Sa ipinakita mong kagalingan sa araling ito, binabati
kita! Maaari ka nang tumuloy sa susunod na aralin.
54
Ako
bilang
bunga
Mga tagubilin ng
aking mga
magulang o
sinumang kasama sa
pamilya.
Hal. Mag-aral ng
leksyon bago
manood ng TV
Ang aking
Ina/Ama o
sinumang
kasama sa
pamilya
Emily
Aralin 9
Ako… Ang Simula!
Ako ang simula! Ano ang ibig sabihin ng mga
katagang ito? Bilang isang batang mag-aaral sa ikatlong
baitang, ano-ano ang kaya mong pamunuang gawin tungo
sa kapayapaan, pagkakaisa, maayos, at masayang
pagsasama ng iyong pamilya? Kung ito ay kaya mo, isigaw
mo. . . ako ang simula!
Ano-ano ang mga tungkuling isinasagawa mo sa
araw-araw sa inyong bahay na nakatutulong sa iyong
pamilya? Gawin mo ito sa iyong kuwaderno.
Ang Aking Kalendaryo ng Gawain
55
Alamin Natin
Sagutin ang mga tanong at isulat ang sagot sa iyong
kuwaderno.
1. Ano-ano ang mga maaari mong tuparing gawain?
Isa-isahin.
2. Matapat mo bang isinasagawa ang iyong mga
tungkulin? Patunayan.
3. Pahalagahan ang naidudulot na kagalingan sa
iyong pamilya.
4. Bakit may pagkakataong hindi mo naisasagawa
ang iyong mga tungkulin?
5. Makatutulong ba ang pagpaplano ng mga
gawain? Bakit?
Gawain 1
Ang pagpapaalaala ay gamot sa mga batang
nakalilimot. Mapatutunayan ito sa pangkatang gawain na
isasagawa.
Magkaroon ng apat na pangkat sa klase.
Pagtulungang buuin ang clock time organizer
para sa mga dapat at kayang gawin sa inyong klase.
Siguraduhing makatutulong ito sa iyong pag-aaral at
makapagpapagaan sa pagsasakatuparan sa iyong klase.
Gawin ito sa inyong papel. Iulat ito sa klase.
56
Isagawa Natin
Sa bawat takdang oras, ano-ano ang inyong mga
napagkasunduang gawin?
57
1
2
5
4
3
6
7
12
11
8
9
10
Gawain 2
Narito ang malaking “Tandang Pananong” na may
kaukulang tanong. Sagutin mo ito ng buong katapatan.
Patunayan.
?
58
Maasahan ba ako
sa lahat ng oras?
Patunay:
Ako ba ay bumibili
ng mga kailangan
lamang?
Patunay:
Ipinapasa ko ba sa
iba ang mga
inuutos sa akin?
Patunay:
Ako ba ay
sumusunod sa mga
utos nang may
ngiti?
Patunay:
Ako ba ay hindi nag-aaksaya ng mga
gamit, tubig, at kuryente?
___________________________________
Patunay:
Maasahan ba ako
sa lahat ng oras?
Patunay:
Ako ba ay bumibili
ng mga kailangan
lamang?
Patunay:
Ipinapasa ko ba sa
iba ang mga
inuutos sa akin?
Patunay:
Sumulat ng pick-up line na galing sa iyong puso. Ito ay
dapat na nagbibigay kasiyahan sa iyong damdamin hinggil
sa mga naitutulong mo sa iyong pamilya at paaralan sa
loob ng 24 oras. Makipagpalitan ka ng iyong sagot sa iyong
kamag-aral.
Halimbawa:
Walis ka ba?
Bakit?
Kasi, winawalis mo ang pagod ng iyong nanay
kapag tinutulungan mo siya sa mga gawaing
bahay.
59
Isapuso Natin
Tandaan Natin
Tunay na ang isang masayang pamilya ay
nakikita sa pamamagitan ng maayos at mabuting
pagsasama. Ang mga magulang na may mga anak na
katulad mo ay natutuwa kung ikaw ay sumusunod sa
kanilang mga utos at patakaran. Halimbawa ay ang
sumusunod:
- Maglaan ng sapat na oras para sa pag-aaral
at paggawa ng mga takdang-aralin
- Maging magalang sa lahat ng oras at
pagkakataon
- Tumulong sa mga gawaing-bahay sa mga
araw na walang pasok
- Magtipid sa paggamit ng tubig, kuryente, at
iba pang bagay
Kung may pagsusunuran sa tahanan, makikita mo
ang tunay na pagmamahalan. Ang pagsunod nang
buong katapatan sa mga itinakdang tuntunin at
gawain ay magbubunga ng kapayapaan at kaayusan
sa samahan sa bawat kasapi ng isang pamilya.
Palagian mong hangarin na maging masaya ang
iyong mga magulang. Utos ng Diyos sa mga anak na
mahalin nila ang kanilang mga magulang.
Kinalulugdan ng Diyos ang mga anak na nagmamahal
sa kanilang mga magulang.
60
Isabuhay Natin
Gumawa ka ng isang pangako sa anyong patula o
pa-rap o pakanta. Itanghal ito sa klase.
Halimbawa:
Ang Aking Pangako
Kapag inutusan
O tinatawag ako
Agad, akong sasagot
At sa utos ay susunod.
1. Hingin ang tulong ng iyong mga magulang at
pasagutan sa kanila ang sipi ng “Ang Aking Anak” na
iyong isinulat sa kuwaderno.
Ang Aking Anak!
• Paano ginagampanan ng inyong anak ang
kanyang mga tungkulin sa tahanan?
Ang aking anak na si _________________________
ay tinutupad nang buong husay at tapat ang
kaniyang mga tungkulin tulad ng____________________
____________________________________________________
Lagda:______________________
Sipiin sa papel at lagyan ng kaukulang tsek ang iyong
pinaniniwalaan.
Mga Gawain Totoo Hindi totoo
61
Subukin Natin
1. Hindi ako nagdadabog kapag
inuutusan ako ng aking mga
magulang.
2. Tumatakas ako sa paglilinis ng
aming silid-aralan kapag uwian
na.
3. Naghuhugas ako ng aming
pinagkainan sa aming bahay.
4. Ginagawa ko kaagad ang
aking takdang-aralin bago
pumasok sa paaralan.
Magaling! Natapos mo ang mga gawain nang tama.
Maaari ka nang tumuloy sa susunod na aralin. Pagbutihin
mo.
62