1. ,
RIZAL AT BONIFACIO :
Ang Pagwawangis at Paglilihis
Daniel Mendoza Anciano
Limitado lamang para sa isa ang espasyo ng pedestal na maaring
pagluklukan para sa isang natatanging pambansang bayani na ngayon ay
okupado ni Jose Rizal. Sa kabila nito, ang kaangkupan ni Rizal sa
pangingibabaw sa pantheon ng kabayanihan ay matagal ng panahon na
binabatikos ng mga taong may higit na pagpapahalaga sa bayaning si
Andres Bonifacio. Ang tunggalian ng mga mga maka-Rizal at maka
Bonifacio ay hindi lamang nakapaloob sa kahalagahan ng nagawa nila para
sa ating bayan kundi higit sa lahat ay ang kaangkupan ng dinadalang
pilosopiya at reseta ng bawat isa bilang lunas na aksiyon sa mga sakit ng
ating lipunan. Sa anumang pagsusuri ng buhay ng dalawang bayani ay
malimit na ipakita ang kanilang pagkakaiba at paglalayo, ngunit sa isang
malalimang pagsusuri ng kanilang buhay ay makikita ang napakaraming
pagwawangis na kinulayan ng matingkad na paglilihis.
Kapwa sila isinilang sa unang hati ng dekada 60 ng nakalipas na
siglo, nabuhay at nakisalamuha sa panahon ng kolonyalismo ng Espanya.
Nagsagawa sila ng epektibong aksiyon upang ituwid ang tiwaling lipunang
kanilang kinamulatan at sa dakong huli ang kanilang nagawa, ang naghatid
sa dayuhang pamahalaan sa dapithapon ng kolonyalismo. Isinilang man
sila sa iisang panahon ngunit pinag-ibayo naman sila ng pagkakataon.
Isinilang si Rizal sa isang bahay na bato sa lalawigan, nagmula sa pangkat
ng gitnang uri na noon ay nagsisimulang maging asertibo sa kanilang
paghiling ng kapantayan na makilahok sa bumibilis na gulong ng
kalakalan. Lumaki si Rizal sa pagkalinga ng kaniyang mga magulang (na
naunahan pa niya sa kamatayan) at mga nakakatandang kapatid,
partikular na dito si Paciano, na nagsilbing anino sa likuran ng bawat
mapagpasiyang hakbang ni Rizal. Taliwas si Bonifacio, isinilang siya sa
kalunsuran sa isang tipikal na bahay kubo sa maralitang distrito ng Tondo,
nagmula sa mababang pangkat ng mga tao sa lipunan na tuwirang
nakadarama ng diin ng pang-aapi, inhustisya, at pagsasamantala. Agad na
inulila ng mga magulang at maagang naatangan ng pananagutan na mag-
aruga at gumabay sa kaniyang mga nakakabatang kapatid sa pagtahak sa
maunos na landas ng buhay.
Kapwa makabuluhan ang kanilang mga nagawa at kaisipan na
naiambag sa ating lipunan at kasaysayan. Sa kabila ng kapwa nilang
maikling buhay, muli't muling hinahalungkat ng mga iskolar ang
kahalagahan at kabuluhan ng dalawa para sa mga henerasyong dumadaan.
Sa kabilang kapwa makabuluhan buhay, ang batis ng pambiograpiya ay
pinagwangki naman sila. Ang buhay ni Rizal ay halos detalyado sa lahat ng
aspekto na ipinapakita ng kaniyang daan-daang dokumento at
2. sangkaterbang litrato na ngayon ay nakasinop sa mga aklatan at arkibo.
Ang pagbabatayan sa buhay ni Bonifacio ay ang ilang pira-pirasong
dokumento na nagsasaad ng kaniyang mga huling taon, mga tagpi-tagping
kuwento ng kaniyang mga naging kasamahan at nag-iisang larawan na
tangi lamang kababakasan ng mukha ng taong nanguna sa
pinakamapangahas at pinakamapagpasiyang pagkilos ng sambayan sa
ating kasaysayan.
Kapwa sila uhaw sa karunungan at pala-aral sa kalagayan ng
lipunan. May mga pagkakataon na nagkatulad pa sila ng mga aklat na
binasa at nakapukaw ng kanilang kamalayang panlipunan. Ang magkatulad
na pagkauhaw sa kaalaman ay hindi naman pinapagparayaan ng
magkatulad na kapalaran, labis silang pinag-agwat sa hagdanan ng pormal
na kaalaman. Si Rizal ay nagtapos ng lisensiyado sa dalawang kurso: Una
ay sa Medisina; at pangalawa sa Piliospiya at Letra sa isang unibersidad ng
Espanya. Si Bonifacio sa kabilang dako ay bahagyang natapos ang primarya
at ang karagdagang kaalaman ay natamo niya sa dalawang larangan: Una
ay sa kalsadang kaniyang ginagalawan; at ang ikalawa sa trabahong
kaniyang pinasukan. Sa kabila ng magkaibayong antas ng edukasyon ng
dalawa, sa panahong ang bayan ay naghanap ng magiging karibal ni Rizal
sa luklukan ng pambansang kabayanihan hindi ang kaniyang mga
kapantay sa kaalamang pormal ang itinapat sa kaniya kundi si Bonifacio na
ang pormal na edukasyon ay halos nakasubsob sa ilalim ng pormal na
paaralan.
Kapwa sila naging aktibong alagad ng Kilusang Propaganda sa
panahon na malayo pa sa hinagap ang posibilidad ng isang himagsikan. Sa
iisang kilusan na kinasasapian ngunit magka-agwat sila sa aspekto ng
kalikasan ng pagkilos at heograpiya ng ginagalawan. Aktibo at nasa rurok
ng kasikatan si Rizal sa Kilusang Propaganda sa pamamagitan ng kaniyang
pagsulat ng dalawang nobelang panlipunan at mga artikulo sa La
Solidaridad na noon ay nakabase sa Europa. Ang partisipasyon ni Bonifacio
sa propaganda ay tahimik, hindi pansin, at nakapaloob lamang sa Maynila
at limitado lamang sa pamumudmod ng mga babasahin ng propaganda sa
kaniyang mga kakilala at ilang mga mag-aaral ng Unibersidad ng Santo
Tomas.
Kapwa sila alagad ng literaturang nagbabandila ng protesta,
naghahasik ng pagkamuhi sa kalagayang pinananatili ng kolonyal na
sistema at nananawagan sa isang pagbabagong panlipunan. Sa kabila nito
ay makikita ang paglalaot ng kanilang mga paraan, lawak, istilo, wika, at
layunin. Si Rizal sa malaking bahagi ng kaniyang panulat ay nasa anyo ng
nobela at mga artikulong may maka-iskolar na pagtrato, ginamit ang
wikang Espanyol, at makikitahan ng kapinuhang panliteratura. Hinikayat
ni Rizal ang kaniyang mga mambabasa na itaboy ang dilim ng panatismo at
pamahiin sa pamamagitan ng liwanag ng karunungan at abutin ang
kapantayang kultural at intelekwal sa ating mga mananakop upang maging
isang mabisang sandata sa isang ebolusyong panlipunan. Sentro ng
pagbatikos ni Rizal ang frailocracia na noon ay nagsisilbing moog ng pyudal
3. na kaisipan at humahadlang sa pagdaloy ng liberalismo at reporma sa
kolonyal na gobyerno. Si Rizal bilang isang repormista ay nakikita pa ang
posibilidad na masulsihan pa ang ang naagans na retaso ng kolonyalismo.
Ganap ang kataliwasan ni Bonifacio, ginamit niya ang wikang Tagalog sa
kaniyang maiikling artikulo na sinasabi ng ilan na "magaspang" at "hubad
sa bulaklak ng retorika." Sa kabila ng "kababawan" at "hindi repinado" ng
kaniyang sulatin ay tuwiran niyang hinikayat ang sambayanang Pilipino sa
pag-aaring ganap ng isang higit na agresibong aksiyon upang patirin ang
kadena ng kolonyalismo na mariing sumasakal sa buhay at kaisipan ng
kaniyang mga kababayan. Kay Bonifacio ay walang pagkakaiba ang
frailocracia at ang kolonyal na burukrasya, hindi ang pagsusulsi ng agnas
na retaso ng kolonyalismo ang dapat na maging katugunan kung hindi ang
paghahangad ng bagong retasong panlipunan na hahabiin ng mga kamay
ng mga taong lalahok sa himagsikan.
Kapwa laman ng isipan ng dalawa ang armadong opsiyon sa
pagbabagong mukha ng lipunan at pinaglaro nila ito sa kanilang mga
kaisipan. Ang magkaparehong pagmumuni ng armadong pakikibaka sa
isipan ay inilapat nila sa magkaibang kinalalagyan. Ang armadong opsiyon
ni Rizal ay makikitang dinala ng kaniyang mga tauhang sina Elias at
Simoun, pinaglaruan niya ang katumpakan at kahinaan ng armas bilang
kasangkapan sa pagbabagong anyo ng lipunan, ngunit natakot si Rizal na
ang himagsikan sa kaniyang isipan ay malipat at maganap sa mismong
lipunan, kaya ito ay kaniyang kinulong at kinitil pa sa pahina ng panitikan.
Para kay Bonifacio, bigo ang ebolusyonaryong bisyon na ibinabandila ng
mga repormista at ang pagsasakatotohanan sa lipunan ng isang rebolusyon
ang tanging landas na tatahakin ng sambayan sa pagtatamo ng kanilang
inaadhiang kasarinlan.
Kapwa naimpluwensiyahan sila ng martiyo ng GOMBURZA noong
1872 at kinikilala nila ang binhi ng tatlong paring martir sa pagsibol ng
kolektibong nasyonalismo ng sambayang Pilipino, ngunit ang paraan ng
paghanga ay isinagawa sa magkaibang paraan. Ang Noli Me Tangere ay
isang nobelang pang-inbestiga kung papaanong ang repormista ay
isinangkot sa krimen na ang mga prayle ang tunay na nasa likuran.
Dinakila ni Rizal ang GOMBURZA sa paghahandog nito ng kaniyang El
Filibusterismo. Nag-inbestiga rin si Bonifacio sa tunay na pangyayari sa
kaso ng GOMBURZA noong kaniyang direktang litisin at ipabitay ang mga
nabihag na prayle sa Cavite. Dinakila rin ni Bonifacio ang GOMBURZA sa
pamamagitan ng paggamit na nasabing panitik bilang senyales ng isa sa
mga pangkat ng Katipunan.
Kapwa sila pulitiko na humarap sa magkahiwalay na halalan na
isinagawa ng kanilang mga kababayan na nagbunga ng kanilang
paghiwalay sa mga dating kasamahan. Si Rizal ay natalo sa hinihinging
mayorya sa halalang ginanap ng mga repormistang paisano sa pagpili ng
kanilang magiging pinuno sa Madrid, ito ang simula ng alitang Rizal at
Marcelo del Pilar. Si Bonifacio ay natalo sa ginanap na unang halalang
pampangaluhun na ginanap sa Tejeros na nagbunga ng kaniyang
4. paghiwalay kay Emilio Aguinaldo at sa huli ay ang pagpaslang sa kaniya ng
mga dating kasamahan.
Kapwa mahalaga sa dalawa ang unang linggo ng Hulyo 1892. Noong
Hulyo 3, 1892 (Linggo) nagtagpo sa una at huling pagkakataon sina Rizal at
Bonifacio ng itatag ng huli ang La Liga Filipina. Simbolikal ang pagtatagpo
na ito nagsilbing parang isang transisyon ng ng dalawang historikal na
nilalang sa sentro ng politikang kontra kolonyal. Ang pagtatag ni Rizal ng La
Liga Filipina ay sinundan ng pagpapatapon sa kaniya sa Dapitan at
panimula ng kaniyang pagkakahimbing pulitikal. Noong Hulyo 7, 1892,
itinatag ni Bonifacio ang Katipunan na hudyat ng kaniyang pangingibabaw
sa larangan ng kontra kolonyal na pakikibaka.
Kapwa sila pinuno ng Kilusang Katipunan, pamumuno na may
magkaibang katayuan at kalikasan. Si Bonifacio, ang supremo ang aktibong
nagpakilos, nagpalaganap, nagpalakas, at naghanda ng kilusan para sa
ilulunsad na himagsikan. Samanatalang si Rizal na noon ay walang
kamalay-malay sa mga kaganapan sa Kamaynilaan, ang inilagay na
pangulong pandangal ng samahan.
Kapwa sila biktima ng puwersang panlipunan na kanilang
pinasimulan sa pamamagitan ng pagbabayad ng kanilang mga buhay. Ang
repormistang si Rizal na ang mapanuring panulat ay nakagising sa
kaniyang mga kababayan sa pangangailangan ng pagbabago sa
pamamagitan ng mapayapang pamamaraan ay pinaratangan na nasa likod
ng himagsikan. Si Bonifacio naman na nagsindi ng mitsa ng himagsikan ay
pinagbintangan ng kaniyang mga kasamahan ng "pagtataksil" laban sa
rebolusyon na kaniyang pinamunuan at pinasimulan.
Kapwa sila mga biktima ng mga hukumang hubad sa kredibilidad.
Ngunit ang pinakamalaking kablintunaan ay si Rizal na nanalig hanggang
sa huling sandali ng kaniyang buhay sa posibilidad ng reporma mula sa
mga dayuhang kapangayrihan ay nilitis ng bengatibong korte militar ng
Espanya. Samantalang si Bonifacio na naglagak ng pagtitiwala sa
kakakayahan ng mga kaniyang mga kababayan sa pagpapalaya ng bayan ay
nilitis ng makiling na korte militar ng gobyernong rebolusyonaryo ng mga
Pilipino.
Kapwa sila nagsalo sa iisang tulang pahimakas. Isinulat ni ni Rizal sa
Kuta ng Santiago ang kaniyang Mi Ultimo Adios sa bisperas ng bitayan.
Pagkatapos ng martiryo ni Rizal, ang kaniyanga asawa na si Josephine ay
nagtungo sa Cavite, dito ay hiniram ni Bonifacio ang orihinal na tula ni
Rizal at isinalin ito sa wikang Tagalog. Kung mayroon mang maangkin si
Bonifacio na kaganapan para sa kaniya sa nasabing tula ay ang hanay na
nagpapahiwatig ng ganito.
Kung ang libingan ko'y limot na ng lahat
at walang krus at batong mabakas
bayaang linangin ng taong masipag
5. lupa'y asarolin at ikalat
Kapwa sila biktima ng malagim na bitayan sa huling hati ng dekada
90 ng nakalipas na daantaon. Magkatulad na kamatayan sa
magkabalintunang lugar na kinaganapan. Si Rizal na isinilang sa lalawigan
ay hayagang binitay sa pampublikong lugar sa kalunsuran. Si Bonifacio na
isinilang sa kalunsuran ay palihim na binitay sa paanan ng bundok sa
lalawigan.
Kapwa sila biktima ng inhustisya sa panahon ng kanilang buhay at sa
kasalukuyan, ang kanilang kamatayan ay ibinabalot pa rin sa misteryo ng
kasaysayan. Magkaibang salarin na hindi matatawaran ang impluwensiya
hanggang sa kasalukuayan. Ang salarin ni Rizal ay pinagtatakpan ng
simbahan at ang salarin ni Bonifacio ay pinagtatakpan ng mga inapong
maimpluwensiya pa rin sa pamahalaan.
Kapwa ginugunita ng bayan ang kanilang ala-ala sa pamamagitan ng
pambansang tanging araw na magkaiba ang pinag-uukulan. Si Rizal sa
araw ng kaniyang kamatayan, samantalang si Bonifacio sa araw naman ng
kaniyang kamatayan. Mapansin din sana ang insidente ng pagkakataon,
ang buwan ng Nobyembre (30) na kapanganakan ni Bonifacio ay
sinusundan ng Disyembre (30) na buwan ng kamatayan ni Rizal. Ang
buwan ng Mayo (10) na buwan ng kamatayan ni Bonifacio ay sinusundan
ng buwan ng Hunyo (19) na kapanganakan ni Rizal.
-------------------------------------------------------
Ang may-akda ay instruktor ng Kasaysayan ng Pilipinas sa Cavite State University,
Indang, Cavite.
Inilithala sa FILIPINO MAGASIN (FILMAG) noong 1997.