1. Kabayanihan
Lope K. Santos
Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod
Na walang paupa sa hirap at pagod;
Minsang sa anyaya, minsan kusang-loob,
Pag-ibig sa kapwa ang lagi mong diyos.
Natatalastas mong sa iyong pananim
Iba ang aani’t iba ang kakain;
Datapwa’t sa iyo’y ligaya na’t aliw
Ang magpakasakit nang sa iba dahil.
Pawis, yaman, dunong, lakas, dugo, buhay
Pinuhunan mo at inialay
Kapagka ibig mong sa kaalipinan
Ay makatubos ka ng aliping bayan.
Sa tulong mo’y naging maalwan ang dukha,
Sa turo mo’y naging mulat ang mulala,
Tapang mo’y sa duwag naging halimbawa’t
Ang kamatayan mo ang buhay ng madla.
Tikis na nga lamang na ang mga tao’y
Magpawalang turing sa mga tulong mo,
Ang kadalasan pang iganti sa iyo
Ay ang pagkalimot, kung di paglililo.
Bigyang kahulugan ang mga sumusunod na
linya ng tula:
1. Ang kahulugan mo’y isang paglilingkod
na walang paupa sa hirap at pagod;
2. Pag-ibig sa kapwa ang lagi mong diyos.
3. Datapwa’t sa iyo’y ligaya na’t aliw
Ang magpakasakit nang sa iba dahil.
4. Tapang mo’y sa duwag naging halimbawa’t
Ang kamatayan mo ang buhay ng madla.
5. Ang kadalasan pang iganti sa iyo
Ay ang pagkalimot, kung di paglililo.
Soneto Para Sa Makatang Makabayan
Ni RON DE VERA
kung wika ang sandata at tugmaan ang digma
gawan ng sarswela ang aping magsasaka
ikuwento ang buhay ng nasa selda
at ipagbalagtasan ang tunay na paglaya
kung lapis ang sandata at nasa papel ang digma
sumulat ng tula para sa mga nawawala
gawan ng dalit ang pinatay na walang aba
at bumuo ng nobela tungkol sa pakikibaka
kaya’t pulutin ang sandata at mamuno sa
digmaan
pagka’t tula mo’y di lang pang silid-aklatan
ang sinulat mo’y mumulat ng kaisipan
makata ng bayan, may lugar ka sa kilusan
ang obra mo ngayo’y di na lang pang libangan
makata ng bayan, ngayon ay lumalaban!
Mga Gabay na Tanong:
1.Paano pinatunayan sa unang saknong ang
kapangyarihan ng wika?
2. Ano ang nais ipakahulugan ng linyang:
ang sinulat mo’y mumulat ng kaisipan
makata ng bayan, may lugar ka sa kilusan
3. Paano pinatunayan sa tula ang kapangyarihan
ng pagsulat?
4. Ano ang nais ipakahulugan ng linyang:
ang obra mo ngayo’y di na lang pang libangan
makata ng bayan, ngayon ay lumalaban!