1. Ang Filipino sa Kurikulum ng Batayang Edukasyon
FILED 203
ARALIN 5
MGA PAGDULOG, ESTRATEHIYA AT KAGAMITANG SA PAGTUTURO NG
FILIPINO BATAY SA KURIKULUM
Ang aralin 5 ay nakatuon sa pagtalakay ng Mga Pagdulog, Estratehiya at Kagamitang sa
Pagtuturo ng Filipino Batay sa Kurikulum
Pangkalahatang layunin
Sa katapusan ng aralin na ito, inaasahan na:
1. Nakapagtatalakay sa pagkakaiba ng Dulog at Estratehiya.
2. Nakapag-iisa-isa sa mga dulog at estratehiya sa pagtuturo ng Filipino batay sa kurikulum.
3. Natatalakay ang ang mga paraan/estratehiya at pagdulog sa pagtuturo ng wika.
4. Nabibigyang-halaga ang iba’t ibang estratehiya sa pagtuturo ng wika at ang pamaraang
komunikatib para sa makabuluhang pagtuturo.
5. Nakasusubok makabuo ng sariling dulog at estratehiya sa pagtuturo ng Filipino.
6. nalaman ang kahulugan at kahalagahan ng kagamitang panturo;
7. makasunod sa mga simulain ng kagamitang panturo at
8. magamit ang kagamitang panturo sa isang talakayan.
Pangkalahatang Kaalaman
Bilang simulain, mahalagang maunawaan ng mga guro ang pagkakaiba-iba ng konsepto
ng Pamamaraan, Dulog, Estratehiya at Teknik. Ang dulog o lapit ay isang set ng mga pagpapalagay
hinggil sa kalikasan ng wika, pagkatutoat pagtuturo. Ang pamamaraan naman o estratehiya ay
tumutukoy sa pangkalahatangsistematikong pagpaplano na binubuo ng mga hakbang batay sa
isang dulog (Anthony (1963) halaw kay Badayos, 98). Sa madaling salita, ang estratehiya ay
nakaangkla sa isang natatanging dulog.
Noong taong 2000, ipinannukala ng Education Commission (EDCOM) sa kanilang ulat na
maging midyum ng pagtuturo ang Filipino sa pagsapit ng taong 2000. Kasama ng mungkahing ito
ang sumusunod: (1) Sa una, ikalawa at ikatlong baitang ay bernakular ang midyum ng pagtuturo
para sa lahat ng asignatura; (2) sa ikatlong baiting, ipapasok ang Ingles bilang hiwalay na asinatura
at patuloy na ituturo bilang hiwalay na asignatura hanggang sa ikaapat na taon ng sekondarya;
(3) Sa ikaapat na baiting, Filipino ang midyum ng pagtuturo at patuloy na magiging wika ng
pagtuturo para sa lahat ng asignatura maliban sa Ingles, hanggang sa ikaapat na taon ng
sekondarya; (4) Sa malaon, ililipat sa Filipino ang edukasyong teknikal-bokasyunal; (5) Sa pagkilala
sa karapatan sa academic freedom ng mga institusyon ng higit na mataas nalarangan, dapat
ipaubaya sa ,DepEd ang pagpili ng wika ng pagtuturo sa edukasyong pangkolehiyo; at (6) sa taong
2000, lahat ng asignatura matangi sa Ingles at iba pang mga wika ay ituturo sa pamamagitan ng
Filipino.
2. Ang Filipino sa Kurikulum ng Batayang Edukasyon
FILED 203
Maaaring bigayang konsiderasyon ang sumusunod na lapit at/o dulog at estratehiya sa
pagtuturo ng wika at panitikan. (Taneo, 2010)
4. Ang Filipino sa Kurikulum ng Batayang Edukasyon
FILED 203
Matutunghayan sa talahanayang nasa ibaba ang iba’t ibang estratehiya o pamamaraan
sa pagtuturo ng wika at panitikan gaya ng pabuod, pasaklaw,papanayam, direkta, pagkatutong
tulong-tulong, tanong-sagot, integratibo o pinagsanib,paulat, pagtuturong nakapokus sa
mag aaral at pagkatutong interaktibo. Inilalahad din sa bahaging ito ang paglalarawan at
paggamit ng mga estratehiya o pamamaraang ito.
5. Ang Filipino sa Kurikulum ng Batayang Edukasyon
FILED 203
Ang paraang komunikatib naman ay nag-ugat sa notional-functional approach na
pinaunlad ni David Wilkins ng Britanya (pokus sa mensahe kaysa sa porma o istruktura). Pinuna
rin niya ang kanyang sariling pagtuturo ng wika. Sa pagtalunton sa mga batayan ng pamaraang
komunikatibo, may iba’t iba ang batayang lumalaganap na teorya ng kakayahang
pangkomunikatibo. Nakilala sa bahaging ito si Michael Canale at Merril Swain na naghain ng apat
na element ng kakayahang pangkomunikatibo. Ito ay ang sumusunod (1) Kakayahang
Linggwistikal. Ito kakayahang umunawa at makagawa ng mga istruktura sa wika na sang-ayon sa
mga tuntunin sa gramatika; (2) Kakayahang Sosyo-Linggwistikal. Ito ay isang batayang
interdisiplinaryo. Nakakaunawa atnakagagamit ng kontekstong sosyal ng isang wika; (3)
Kakayahang Diskurso. Ito ay may kinalaman sa pag-unawa, hindi ng isa-isang pangungusap kundi
ng buong diskurso; at (4) Kakayahang Estratehiko. Ito naglalahad na walang taong perpekto ang
6. Ang Filipino sa Kurikulum ng Batayang Edukasyon
FILED 203
kaalaman tungkol sa kanyang wika at nakagagamit ng kaalamang ito sa tuwina na walang
problema.(Coping o survival Strategies)
Mahusay din gawing salalayan ang inihaing mga dulog sa pagtuturo ng Wika at Kultura
ni Dr. Galileo S. Zafra na lubusang nakatuon sa kulturang Filipino. Ito ay ang sumusnod: (a) Una,
pinag-aaralan ang mga panggramatikang katangian ng wika at hinahalaw mula rito ang mga
aspekto ng kulturang Filipino; (b) Pangalawa, pinag-aaralan ang paggamit ng wika ayon sa
kaangkupan nito sa konteksto ng isang kultura. Batay sa konsepto ng communicative
competence, hindi sapat na alam lang ng mga estudyante ang kahulugan ng mga salita at ang
mga tuntunin sa paggamit ng iba’t ibang bahagi ng pananalita. Itinuturo rin ang angkop na
paggamit at pagpapakahulugan sa wika sa iba’t ibang panlipunang sitwasyon at pangkulturang
konteksto; (c) Pangatlo, pinag-aaralan ang iba’t ibang sagisag ng kulturang Filipino. Ang mga
sagisag na ito ay binubuo ng mga tao, lugar, bagay, pangyayari, konsepto, at iba pang
nagpapakilala sa kultura, lipunan, at kasaysayan ng mga Filipino; at (d) pang-apat na dulog—ang
pag-aaral ng mismong kultura na nakapaloob o kinakatawan ng wika.
Naghain din di Dr. Patrocinio V. Villafuerte ng mga Estratehiya sa Pagtuturo ng Filipino
sa Iba’t Ibang Antas. Ito ay binubuo ng sumusunod: (1) Active Learning. Hinahayaan ang mga
mag aaral na gawin ang limang makrong kasanayan; (2) Clicker Use in Class. Binubuod ang mga
sagot ng mga mag-aaral sa mga tanong na may pagpipiliang sagot; (3) Critical Thinking. Koleksyon
ng mga gawaing pangkaisipan na may kakayahang makakuha ng tamang sagot; (4) Experential
Learning. Matututo ang mga mag-aaral kung ipagagawa ang gawaing itinakda sa kanila; (5)
Games/Experiment/Simulation. Napapayaman ang gawain sa tulong ng mga laro; (6)
Collaborative / Cooperative Learning. Hinihikayat ang maliit na grupo na magpangkatan para
maisagawa ang Gawain; (7) Humor in the Classroom. Napahuhusay ang pang-unawa at
pangmatagalang pagkatuto sa masiglang pagtuturo; (8) Inquiry Guided Learning. Pang-unawa sa
mga konsepto at responsiblidad ng mga mag-aaral na magamit ang mga kasanayan sa
pananaliksik.
Kahulugan, Kahalagahan at Simulain ng Kagamitang Panturo
Ayon kay Abad (1996), ang kagamitang panturo ay anumang karanasan o bagay na
ginagamit ng bilang pantulong sa paghahatid ng mga katotohanan, kasanayan, saloobin, palagay,
kaaalaman, pag-unawa at pagpapahalaga sa mga mag-aaral upang lalong maging kongkreto,
tunay, dinamiko at ganap ang pagkatuto.
Ang sabi naman ni Alwright (1990), ang mga kagamitang panturo ay komokontrol sa
pagtuturo at pagkatuto. Sa ibinigay pa lamang na kahulugan nina Abad at Alwright ay masasabi
na kung ano ang ibig sabihin ng kagamitang panturo. Ito ay ang lahat na bagay na makikita sa
silid-aralan na makakatulong sa pag-aaral ng mga mag-aaral at ito rin ay nagsisilbing gabay ng
guro sa kaniyang pagtuturo. Sa lahat na bagay na makikita sa silid-aralan, ang guro ang
maituturing na pinakamahalagang kagamitan sa pagtuturo dahil sabi nga ni Ginong Pado “The
best technology is the teacher.” Guro pa rin ang pinakamabisang kagamitang panturo. Ayon nga
kay Abad (1996), isang katotohanan na walang makapapalit sa isang mabuting guro bilang isang
7. Ang Filipino sa Kurikulum ng Batayang Edukasyon
FILED 203
kagamitang panturo ngunit katotohanan din na gumamit siya ng mga kagamitang panturo para
sa mabisang talakayan at makatulong sa mga mag-aaral na lalong maintindihan ang tinatalakay.
Ang unang halaga ng kagamitang panturo ay nagiging makatotohanan sa mga mag-aaral
ang talakayan. Sapagkat nakikita nila at nararanasan ang talakayan. Halimbawa: Ang talakayan
ay tungkol sa pangngalan, ang ginawa ng guro ay nagpalaro siya sa pamamagitan ng pagkanta ng
“Magbigay ng pangngalan, pangngalan, pangngalan, magbigay ng pangngalan na
pambalana/pantangi” sa larong ito, bawat mag-aaral ay makakasagot at makakalahok sa
talakayan. Hindi pa boring ang kalalabasan nito.
Ang pangalawang halaga ng kagamitang panturo ay walang naaksayang panahon at oras
sa mag-aaral at guro sapagkat may direksiyon ang pagtuturo at pagkatuto. Kapag gagamit ng
kagamitang panturo gaya ng Manila paper ay hindi na magaaksaya ng panahon ang guro na
sumulat nang sumulat sa pisara. Mas mapapadali ang talakayan.
Ang pangatlo ay nababawasan ang pagiging dominante ng guro sa pagsasalita o
pagtatalakay ng aralin sa loob ng silid-aralan sapagkat may kagamitang panturo na gumagabay
sa guro sa talakayan at magbibigay rin sa guro ng pahinga sa pagsasalita dahil karamihan sa mag-
aaral ay visual learners. Mas mainam na may maipapakita ang guro na mas mauunawaan ng mag-
aaral ang talakayan.
Ang pang-apat na halaga ng kagamitang panturo ay tumutulong sa pagsasakatuparan ng
mga layunin sa pagtuturo. Sabi na nga sa talakay sa iba pang kahalagahan, ang kagamitang
panturo ay gabay ng guro sa talakayan.
At ang panghuling halaga ng kagamitang panturo ay gumising sa kawilihan ng mag-aaral
at humihikayat ng interaksiyon. Ngayong panahon, ang karamihan sa mag-aaral ay visual at
kinesthetic learners. Natututo ang mga mag-aaral kung sa magkatuwang na may nakikita o
nagagawa nila ang isang bagay.
Mga Batayang Simulain sa Kagamitang Panturo
1. Prinsipyo at Teorya. Sa paghahanda ng kagamitang panturo, kinakailangan na
isaalang alang at maunawaan nang mabuti ang mga prinsipyo at teorya sa paggamit at
pagdisenyo ng kagamitang panturo. Ang Teorya ay tumutukoy sa kung gaano kaganda ang
pagkakapaliwanag sa isang bagay na pinaghandaan. Ayon kay Reigeluth (1983), ang
teorya ay isang set ng modelo at ang prinsipyo at teoryang ito ay matutukoy lamang sa
pamamagitan descriptive at perspective na anyo. Ayon naman kay Seels (1997), ang
teorya ay paliwanag ng penomina at pangyayari na makakatulong sa mag-aaral na
lubusang maunawaan ang talakayan.
2. Batayang Konsepto sa Disenyo. Ang kagamitang panturo ay kinakailangang angkop sa
panahon ay nakaugnay at nakaayon sa kurikulum upang makatulong na maisakatuparan
ang layunin sa pagkatuto. Ang kagamitan ay awtentiko at kongkreto sa teksto at gawain.
8. Ang Filipino sa Kurikulum ng Batayang Edukasyon
FILED 203
3. Pamantayan sa Kagamitang Panturo. Kinakailangang maanalisa muna ang paggamit ng
kagamitang panturo upang nakabatay ito sa target na panggagamitan. Bumuo ng isang
kurikulum grid na kung saan nakakatulong ito sa pagbuo ng materyales at malaman din
ang kontent at literasi lebel ng mag-aaral. Ang pagpili ng tema ay isang mahirap na gawain
sapagkat kinakailangang mag-isip nang mabuti kung anong kagamitang panturo ang
gagawin.
4. Ilustrasyon. Ito ay tumutukoy sa mag-aaral na makakabuo ng larawan o konsepto upang
higit na maunawaan ang talakayan.
5. Editing. Isa rin sa mga mahirap isagawa sapagkat matrabaho ang editing na kung saan
kinakailangang wasto at magkakaugnay ang napiling kagamitang panturo sa aralin.
6. Pamagat. Ito ay kinakailangang kaakit-akit upang mahikayat ang mga mag-aaral na
malaman ang gagawin
Kahalagahan ng Paggamit ng Multimedia sa Pagtuturo
Nagbabago na ang mga pamaraan sa pag-oorganisa ng mga bagay. Ang teknolohiya ay
nakapag-aambag na rin sa inaasahang pagbabago sa larangan ng pagtuturo at pagkatuto. Ang
tekholohiya ngayon ay nagbibigay na ng malawak na oportunidad para sa pagkatuto ng mga mag-
aaral, lalo na ang access sa midya. Sa panahon na tinatawag nating “knowledge explosion”, ang
guro sa makabagong panahon ay maaaring hindi kayang ibigay lahat ng kailangang hinahanap ng
kanyang mga mag-aaral. Katulad ng maraming bagong kasanayan at kaalaman na kailangan sa
curriculum development at pagtataya, mga bagong pedagohiya naman ang nalilikha habang
ginagamit ng mga guro at mag-aaral ang teknolohiya sa pananaliksik at pagkatuto. Ang suliranin
ukol sa umaapaw na impormasyon ay tototo kaya ang mga guro ay napipilitang mamili tungkol
sa paggamit ng teknolohiya na maaaring magagamit sa pananaliksik at paghahanap ng mga
inobatibong lapit at estratehiya sa pagtuturo.
Ayon kay Lardizabal (1995), ang pagtuturo ay isang proseso ng komunikasyon ng guro at
mag-aaral. Ang pagtuturo ay hindi na nakasalig lamang sa berbal na komunikasyon ng guro at
mag-aaral. Maraming kagamitan ang pagtuturo at pagkatuto. Ang kagamitan pampagtuturo o
kagamitang instruksyonal ay anumang karanasan o bagay na ginagamit ng guro bilang pantulong
sa paghahatid ng impormasyon, kasanayan, saloobin, palagay, katotohanan, pag-unawa at
pagpapahalaga sa mga mag-aaral upang lalong maging konkreto, tunay, dinamiko at ganap ang
pagkatuto. Sa paghahanda ng mga midyang instruksyonal ay kailangang alamin ang karakteristik
at pangangailangan ng estudyante. Tiyakin ang layunin, balangkasin ang nilalaman, iplano ang
suportang kakailanganin at isaalang-alang din ang mga materyal na paghahanguan. Sa
pagsusulat, ihanay ng maayos ang mga ideya, pag-isipan at simulang buuin ang mga gawain at
fidbak, humanap ng mga halimbawa at umisip ng mga grafiks.
9. Ang Filipino sa Kurikulum ng Batayang Edukasyon
FILED 203
Tinipon at Inihanda ni
RANDY DUMAGUIT SAGUN
Kagawaran ng Filipinolohiya, Kolehiyo ng Artes at Literatura
Walang bahagi ng publikasyong ito ang maaaring kopyahin sa paraang elektroniko/ mekanikal ng
walang nakasulat na pahintulot mula sa nagsagawa ng publikasyon o nagtipon sa pamamagitan
ng rdsagun@pup.edu.ph. Ang pangalan ng dalubguro na makikita sa pabalat ng kagamitang
panturo ay tanging nagtipon lamang ng materyales mula sa iba’t ibang awtor. Tinitiyak ng mga
naghanda ng kagamitang panturo / nagsagawa ng publikasyon na tanging layuning akademiko
ang ginawang pagsipi at hindi gagamitin bilang rekurso.
No part of this publication may be reproduced or copied by recording or other
electronic/mechanical methods, without the prior written permission of the publisher/compiler
via rdsagun@pup.edu.ph. Faculty member whose names are printed on the cover are only
compilers who collected materials from different authors. This is not for sale and the compilers
have no intention to profit from this.